Abáng-abâ
- Rhosemarie Gianan

- Aug 19
- 2 min read
Updated: Aug 24

Alam ko na sa sobrang init—tila maaari kang malagutan ng hininga sa simpleng maling kilos mo lamang sa tapat ng tirik na araw, lalo na kapag sakay ka ng isang sasakyang gawa sa manipis at pinagtagpi-tagping mga metal. Ngunit wala akong magagawa. Kung hindi ko pipilitin na mapuno itong kakarag-karag na sasakyan ni Manong, ay hindi niya ako bibigyan ng magandang kuwarta. Isisiksik at isisiksik ko ito hanggang kalahati na lamang ng puwet ng bawat isa ang naka-upo. “O, ito! Una na ako.”
Mabilis na sinuyod ng aking mga mata ang inabot niyang pera, ngunit hindi ko pa nakikita ng mabuti ay kaagad na siyang nawala sa linya ng aking mga mata. Magtatangka pa sana akong parahin kaso huli na—isang limang piso, dalawang sampung piso, at apat na piso—halagang dalawampu’t siyam para sa labing-isang tao na may pinakamababang bayad na labing-tatlong piso. Aba’y ginago pala ako ng hayop na tsuper na iyon. Napakamot na lamang ako sa aking ulo.
Mas malaki pa ang kinikita ko sa pagtunganga sa taas ng tulay, sa harap ng isang lata, kaysa dito sa pagpuno ng pampasaherong sasakyan. Mababa na nga ang kita , mahirap pa lalo kapag may taong magulang.
“Hay, buhay!” Napahikab na lamang ako habang pabalik sa kinagawian kong puwesto. Tirik na tirik ang araw, at lasap na lasap ng bawat parte ng aking katawan ang init sa bawat latay ng sinag nito. Hindi kagaya ng init na mayroon sa bukid, o kaya naman sa taas ng kabundukan. Presko ang hangin at berde pa ang tanawin. Kung kumalam pa ang aking sikmura, may nag-aabang na kamoteng kahoy sa aking kawa. Kung hindi lamang ako nagantso ng taga-Maynilang pobre pala dito.
Pangako ay trabaho, pagdating ko dito ay wala—tanging hanging mabaho. Bitbit ko ay pangarap at isang papel na may nakasulat na ngalan ko, ng aking ina, ng aking ama, at ng aming pinuno sa bukiran. Subalit sabi ng mga tao dito, hindi daw iyon maaari. Dapat daw sertipiko ng aking kapanganakan o pruweba ng aking pagkakakilanlan. Para saan pa ang papel na aking dala na may nakasulat na aking pangalan? Napakahigpit dito sa kabayanan, ngunit mga kagawaran, hindi maabot ang kanayunan. Buti sana kung ang kuwarta na aking makukuha ay tumatagingting na libong pera—ngunit hindi; mas mababa pa sa kinikita kapag nagbenta ng dalawampu’t limang kilo ng kupra. Agad kong inilabas sa dala kong supot ang karatulang may nakasulat na:
KAHIT MAGKANO LANG PO, PARA MAKAUWI LAMANG AKO SA AKING PROBINSIYA
Hindi ko akalain na sa aming bukid ako ang may-ari, ngunit dito sa Maynila, ako ang inaari-ari—kay lupit naman talaga ng kapalaran. Maya-maya lamang ay halos kainin ko na ang alikabok sa pagtapak ng isang dumadaan. “Anlakas-lakas pa nito, ba’t hindi magtrabaho? Umaasa sa ayuda, tangina! Kaya hindi umuunlad ang bansa.” Mahina man ang boses para sa karamihan, ngunit rinig na rinig sa aking kinauupuan. Aba’t sa harap ko ba naman nagpasaring ang isang binatilyong hunghang. Agad akong bumuo ng malagkit na likido sa aking bibig, sabay dura malapit sa papalayo niyang mga paa. Nagmintis man, ngunit sa bawat pagtapak ng kaniyang mga paa ay dala na niya ang dumi ng kaniyang winalang awa.


Comments