Ligaw
- Rhosemarie Gianan

- Oct 28
- 5 min read

Mamasa-masa pa ang simoy ng hangin; damang dama kung gaano ito kapresko—dulot na rin siguro ng mahinang ambon kagabi at halos wala pang namumutawing sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Natigil ang aking pagmumuni-muni nang biglang gumuhit ang mahapding pakiramdam sa aking ulo. Agad naman akong napalingon sa kung saan man nanggaling yung pwersang tumama sa akin.
"Anong tinatanga-tanga mo diyan! Lumapit ka nga rito at kunin mo 'tong karton."
Sa pagmamadali ko, muntik ko nang mahalikan ang lupa. Naramdaman ko ang tila pagsagitsit ng aking tuhod sa bigla kong pagdiretso upang mapigilan ang aking pagkahulog. Bago ko pa maikalma ang aking sarili, narinig ko ulit ang hiyaw ni Kuya Elton na sinasabing kunin ko na ang karton sa nilatagan ko sa tabi ng musuleo ng simbahan.
"Kay aga-aga, pinapa-init mo na agad ang ulo ko. Sinabihan na kita noong isang gabi pa na bawal dito ang mga palaboy. Hala, doon ka sa malayo. Mabuti pa, umuwi ka na sa inyo. Mamaya dito ka pa mag-rugby," patuloy niyang pagtaboy sa akin. Naturingang isang sakristan sa kapilyang ito, pero kung mangtrato, daig pa niya ang bossing kong si Sir Leo.
Dali-dali kong dinampot ang mga kartong hinigaan ko kanina habang pasimple akong sumilip sa loob ng simbahan. Kailangan ko kasi malaman kung ilang oras na ba ang nakalipas mula nang hindi ako kitain ni Sir Leo sa aming checkpoint. Kating-kati na kasi ako maibigay yung mga nakolekta ko mula Lunes hanggang Biyernes, at makubra ang aking komisyon.
Pakiramdam ko kasi isang taon na ang tagal mula nang ako'y makalasap ng malambot na kama, kahit na anim na buwan palang naman. Letse kasi mga tao, mga walang konsiderasyon, madalas kakaunting barya lang ang binibigay ng mga pobre sa jeep o kaya naman ng mga dumadaan sa tulay. Akala mo naman, ikayayaman nila kung hindi sila maglalapag kahit limang piso sa bote o kaya'y mag-iipit sa binigay kong sobre.
Bago ako tuluyang lumisan, sinubukan kong ambahan ng isang sapak si Kuya Elton bilang biro. Sanay naman na siguro siya sa akin, dahil palagi niya naman akong pinapaalis tuwing hindi ako sinusundo ni Sir Leo sa binigay niyang teritoryo, at palagi niyang ipinapakita ang mukha niyang parang nakahigop ng paksiw na tinda sa kanto.
“Hayop ka talagang bata ka!”
Kasing bilis ng kidlat akon tumakbo palayo sa simbahan, dahil nakita ko nang huhugutin niya na ang isang manipis na patpat. Para kaming nasa palabas sa TV na pinapapanood sa amin nila Sir Leo kapag nakakubra kami ng higit pa sa aming quota—yun bang may pusa at daga na naghahabulan. Mukhang nabuo ko na naman ang kaniyang araw dahil sa kaniyang pagpadyak ng mga paa, kagaya ng ginagawa ng mga nagzu-Zumba sa plaza. Sabi ni Sir Leo, kapag nagsimula na daw magdatingan ang mga iyon sa plaza, dapat akong umaligid-ligid dahil sureball ang jackpot sa mga maaasim na matatandang maaawa raw sa itsura ko, eh mas mukhang maayos pa nga ang suot ko kaysa sa masisikip nilang damit. Hindi tulad nitong akin na sobrang presko dahil maluwag at puro bintana.
Unti-unti akong huminto sa pagtakbo at nagsimulang maglakad sa ilalim ng tulay. Nag-uumpisa pa lamang maglatag ng paninda ang iba't ibang tindahan na nakapuwesto rito. Kapag naka tyempo, puwede akong pasimpleng humiram ng ilan sa mga tokneneng gaya ng turo sa akin ni Sir Leo, upang maibsan ang kulit ng mga bulate sa aking tiyan. Hindi naman daw kasi kailangang magbayad basta tahimik ko lamang daw itong gagawin at hindi maramihan. Hinding-hindi rin daw kasi puwedeng bawasan ang nakolekta ko dahil magiging kasiraan daw ito sa aming Panginoon. Ang mga kinikita raw kasi namin mula sa pagtitinda ng dini-delihensiyang mga sampaguita ay nakalaan para raw sa ikauunlad namin sa hinaharap kaya dapat matuto raw munang magtiis sa umpisa dahil kailangan pang linisin ito ng aming pinuno.
Nagdesisyon na lamang akong mag-abang na malibang ang mga ale sa pagluluto at paghahanda para makakuha ako ng tokneneng kapag nalingat sila, tumabi ako sa isang poste na puno ng mukha. Hindi ko mabasa kung anong nakalagay pero pitong malalaking letra at kulay pula. Habang pinagmamasdan ko ito, napansin ko ang isang papel na may litrato ng isang maliit na bata. Bakit kaya may litrato ito sa kalsada? Binebenta siguro ng kaniyang mga magulang. Ito kasi sabi sa akin ni Sir Leo noong una kong makita ang mukha ko sa ganitong papel na nakapaskil sa poste noong sinasanay pa lamang niya akong gawin itong magpapayaman sa akin na trabaho.
Habang pinagmamasdan ko ang poste, may nakita ko ang isang makipot na awang. Ipinasok ko ng bahagyang ang aking kamay, dahan-dahan lamang kasi baka masugatan ako sa matalas na bakal. Napagtanto ko na sakto ang espasyo para sa karton ko kaya naman ay pasimple kong itinabi rito ang hinigaan ko kanina. Hindi ko kasi puwedeng dalhin pabalik sa simbahan—malamang nakaabang si Kuya Elton—at ayaw ko rin namang maagaw ito ng mga batang yagit dito sa kalye, lalo't maganda ang istilo nito, tiyak na magagamit pa kung sakaling sa parehong teritoryo pa rin ako ilagay ni Sir Leo sa susunod na trabaho. Kailangan ko nalang ngayon na maghintay. Maghintay na malingat ang kung sino mang ale o kaya naman ay maghintay na sunduin ako ni Sir Leo gamit ang kaniyang puting sports car at makahiga ng panandalian sa isa sa labing-isang upuan sa loob ng kotse niya kasi mahabang byahe pa ang bubunuin namin bago kami makauwi. Alin man sa dalawa ang maunang mangyari ay okay na okay para sa akin.
Naagaw ang aking atensyon mula sa saglit na pagmumuni-muni ng maamoy ko ang halimuyak ng hinahangong langgonisa at hotdog. Nagsisimula na palang matapos sa pagluluto ang ibang mga nagtitinda. Marahan akong umupo sa may lamesang may isang mahabang bangko sa bandang likuran ng nakitaan kong tolda na may patapos ng niluluto na tokneneng at pancake. Buti na lamang at may kadiliman pa, kaya hindi ako pansinin basta yumukod lamang ako at hindi gagawa ng maraming ingay.
Mukhang ang mauuna ay ang pagkuha ko ng pagkain kaysa sa pagsundo sa akin ni Sir Leo. Hindi rin ganon karami ang nakatao sa tindahan ng pagkukunan ko, kaso yung tauhan ng tindera ay palabas-labas sa loob ng kanilang tolda. Mahirap na at baka ako'y mahuli, kaya imbis na dumiretso ako para kumurot ng kaunti sa ihahanay na pagkain, nagdesisyon na lamang ako na pansamantalang sumiksik sa gilid ng aking kinauupuan.
Umisod ako pakaliwa, bandang dulo ng mahabang upuan dahil mas malayo ang pwesto na iyon sa ilaw ng poste. Paniguradong hindi ako masiyadong mapapansin dahil madilim. Habang ikinukuskos ko ang aking pwet para magpatuloy na umusog, may naramdaman akong matigas na nasagi ng aking paa. Nakakairita siya kung iisipin kasi ang kati ng tila mahabang tela ng dumampi sa aking bukong-bukong. Agad ko itong hinatak pataas sa tabi ko para tingnan ng maayos.
Isang bag.
Isang mamahaling bag.
Hindi na ako nagdalawang isip pa at agad kong hinalughog ang loob nito. Sabi sa akin ni Sir Leo, kung makakita ako ng bag at wala gaanong tao sa paligid, dapat agad kong tingnan ang wallet. Kailangan ko raw hanapin ang asul na papel, dahil kung meron, jackpot na ako para sa isang linggo. Hindi ko na kailangang magtrabaho nang panandalian dahil nakahanap ako ng biyayang sasapat sa isang linggong komisyon.
Nakarinig ako ng matinis na tinig mula sa kaliwa—isang babaeng humahangos, kasama ang dalawang pulis na may dalang baril.
“Hulihin niyo yung bata! Magnanakaw! Hulihin niyo ang batang iyan!” paulit-ulit niyang sigaw.
Lumingon ako sa paligid. Hindi ko namalayang dagsa na pala ang tao at maraming nag- aabang ng masasakyan—pero wala ni isang batang katulad ko roon. Huli na nang mapagtanto kong ako ang kanyang tinutukoy. Agad akong tumakbo nang makita kong itinutok ng isang pulis ang kanyang baril sa akin, habang ang mga tao sa paligid ay tila napahinto.
Isang malakas na putok ang huli kong narinig.


Comments